Huwebes, Oktubre 13, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day for Disaster Risk Reduction

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR DISASTER RISK REDUCTION
Oktubre 13, 2022

DISASTER RISK REDUCTION, ITAGUYOD!
PAG-IINIT NG MUNDO, HUWAG PAABUTIN 
SA 1.5 DEGREE CELSIUS!
ITIGIL ANG PAGGAMIT NG COAL AT FOSSIL FUEL!
NO TO FALSE SOLUTION SA CLIMATE CRISIS!
CLIMATE EMERGENCY, IDEKLARA! 
CLIMATE JUSTICE, NOW NA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day for Disaster Risk Reduction (Pandaigdigang Araw upang Mabawasan ang Panganib sa Kalamidad) [malayang salin ng KPML]

Napakahalaga ng disaster risk reduction lalo na't ang ating bansa ay nakakaranas ng halos dalawampung bagyo kada taon, ayon sa datos. Tingnan natin ang datos ng mga namatay sa kalamidad sa Pilipinas. Ondoy at Pepeng (2009) na lubhang nakaapekto sa mahigit 9.3 milyong tao at nagresulta sa pagkawala ng 956 na buhay, na may higit sa 700 nasugatan at 84 na katao ang nawawala. Habang ang karamihan sa mga namatay na dulot ng tropikal na bagyong Ondoy ay dahil sa pagkalunod, ang mga naiulat na pagkamatay noong bagyong Pepeng ay dahil naman sa pagguho ng lupa.

Ayon sa Philippines National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 6,300 katao ang namatay sa pananalasa ni Yolanda (Nobyembre 8, 2013), 1,062 pa ang nawawala, at 28,688 ang nasugatan. May 5,902 ang namatay sa rehiyon ng Silangang Visayas (Rehiyon VIII), at 92 porsiyento ay mula sa Leyte.

Ang bagyong Ulysses (2020), nasa 9,343 pamilya o 37,261 indibidwal ang nasa evacuation shelters, kung saan ang kabuuang bilang ng mga apektado ay nasa 1.2 milyong pamilya o 4.9 milyong katao. Mahigit 100 ang naiulat na namatay.

Sa lindol sa Bohol (Oktubre 2013), naapektuhan ang mahigit 1.2 milyong tao, 222 katao ang namatay (195 sa Bohol), 976 ang nasugatan at walong katao ang nawawala. Mahigit sa 79,000 istruktura kabilang ang mga tahanan, kalsada, simbahan, paaralan at pampublikong gusali ang nasira, kung saan 14,500 ang ganap na nawasak, na nagresulta sa mahigit 340,000 na mga taong lumikas.

Sa puntong ito, hindi sapat na tawagin tayong "resilient" o kayang makatiis sa samutsaring kalamidad sa ating bayan, na nakakaangkop na tayo. Hindi natin kailangan ng papuri sa pagiging resilient, kundi ayusin ng pamahalaan, sa pakikipagtulungan ng taumbayan ang paghahanda sakaling dumating ang kalamidad, nang mababawasan ang kamatayan, pagkakasakit at pinsala. Kaya dapat may alam tayo at may pakialam tayo sa disaster risk reduction. Kaya ano itong araw upang mabawasan ang pinsalang dulot ng kalamidad?

Ang International Day for Disaster Reduction (IDDR) ay isang pandaigdigang araw na naghihikayat sa bawat mamamayan at pamahalaan na makilahok sa pagbuo ng mas maraming komunidad at bansang lumalaban sa kalamidad. Itinalaga ng United Nations General Assembly ang Oktubre 13 bilang International Day for Natural Disaster Reduction  bilang bahagi ng proklamasyon nito ng International Decade for Natural Disaster Reduction. Noong 2002, sa pamamagitan ng karagdagang resolusyon, nagpasya ang General Assembly na panatilihin ang taunang pagdiriwang bilang landas upang isulong ang pandaigdigang kultura ng pagbawas sa natural na kalamidad, kabilang ang pag-iwas, pagpapagaan, at paghahanda. Noong 2009, nagpasya ang UN General Assembly na italaga ang Oktubre 13 bilang opisyal na petsa para sa araw na ito (A/RES/64/200), at pinalitan din ang pangalan ng International Day for Disaster Risk Reduction.

Kaya ang KPML ay nakikiisa sa pagtataguyod ng disaster risk reduction sa sambayanang Pilipino upang mabawasan ang kamatayan, sakit at kapinsalaan sa pagdatal ng taunang bagyo sa ating bayan. Sana'y mas unahin ang kapakanan ng mga maralitang laging bulnerable sa ganitong mga sakuna.

Nagbabago na ang panahon, tumitindi na ang mga bagyo dulot ng pagbabago ng klima. Huwag na nating paabutin pa sa 1.5 degree celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Dapat nang magdeklara na ang pamahalaan ng climate emergency upang mas matutukan ang ganitong isyu. Upang hindi na lumala pa ang pag-iinit ng klima, dapat nang itigil ang paggamit ng coal at fossil fuel. Huwag nang pondohan ang pag-iinit pang lalo ng mundo.

Pinaghalawan:
https://www.preventionweb.net/news/five-years-how-haiyan-shocked-world
https://www.philstar.com/headlines/2020/12/10/2062853/death-count-ulysses-rises-over-100-damage-now-p20-billion
https://www.who.int/philippines/news/feature-stories/detail/bohol-earthquake-one-year-on
https://iddrr.undrr.org/
https://www.un.org/en/observances/disaster-reduction-day

Walang komento: