Sabado, Oktubre 15, 2022

Pahayag ng KPML sa International Day of Rural Women

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF RURAL WOMEN
Oktubre 15, 2022

AMBAG NG KABABAIHAN SA KANAYUNAN, PAHALAGAHAN!
BIGYANG-SUPORTA ANG MGA KABABAIHAN SA NAYON!
KABABAIHAN SA LUNGSOD AT KANAYUNAN, MAGKAISA!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of Rural Women (o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan) tuwing ika-15 ng Oktubre taun-taon.

Napakatatag ng mga kababaihan sa kanayunan. Bilang mga ina, bilang magsasaka, napapakain nila ang kanilang pamilya at tinitiyak na hindi sila nagugutom. Mula sa pagtatanim hanggang sa pagproseso, paghahanda at pamamahagi ng mga pagkain, ang lakas-paggawa ng kababaihan - binabayaran at hindi binabayaran - ang nagpapakain sa kanilang mga pamilya, sa komunidad at sa daigdig.

Noong 1995, sa Ikaapat na Pandaigdigang Kumperensya sa Kababaihan sa Beijing, Tsina, nang ilatag ang ideya ng pagbibigay-kapangyarihan at pagpaparangal sa kababaihan. Dahil ang Oktubre 16 ay World Food Day, iminungkahi na ang Oktubre 15 ay ipagdiwang bilang International Day of Rural Women upang pahalagahan ang kontribusyon ng mga kababaihan sa kanayunan sa agrikultura, produksyon ng pagkain, at kaligtasan sa pagkain.

Noong Disyembre 18, 2007, idineklara ng United Nations General Assembly ang resolusyon nitong 62/136 na ang Oktubre 15 ay ipagdiriwang taun-taon bilang International Day of Rural Women sa buong daigdig. Simula noon, inaalala na ang  International Day of Rural Women sa maraming bansa at ipinagdiriwang ang lakas at tagumpay ng mga kababaihang ito sa pagpapanatili ng mga sambahayan sa kanayunan at pangkalahatang kagalingan ng komunidad, sa kabila ng mga pakikibaka at mga stereotype.

Ayon sa datos ng International Labor Organization (ILO-Manila), "Mayroong halos dalawang milyong kababaihan na nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura, pangingisda at pagmimina sa Pilipinas. Bukod sa mga panganib na partikular sa kasarian, ang mga babaeng manggagawa sa kanayunan ay nahaharap sa tiyak na padron ng pinsala at sakit, kabilang ang karahasan at panliligalig, kakulangan ng mga pangunahing karapatan sa paggawa at mga benepisyo sa proteksyong panlipunan." Ang tumitinding kahirapan sa kanayunan ang nagtulak sa mga pamilya na lumipat sa mga sentrong lungsod kung saan sila makakahanap ng ibang trabaho. 

Mayorya ng mga kasapi ng KPML ay kababaihan, at karamihan sa kanila ay mula sa lalawigan. Kaya nauunawaan ng mga maralitang lungsod ang kalagayan ng kababaihang nayon. Kaya sa pagharap sa samutsaring krisis tulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nakakaangkop ang mga kababaihang nayon dahil sila ang nagtatanim ng kanilang kinakain. Gayunman, marami pa ring suliranin, tulad ng saan kukunin ang pangmatrikula ng mga anak na nais nilang mapagtapos.

Nangangarap ang mga kababaihang nayon ng kaginhawaan sa pamumuhay, tulad din ng mga maralitang lungsod na nais maitayo ang lipunang makatao na makakamit din nila ang kaginhawaan ng sambayanan. Halina't pagpugayan ang mga kababaihan sa kanayunan sa kanilang ambag sa ating lipunan. At kung kailangan, sila'y ating suportahan. Sa pag-unlad ng lipunan, dapat walang maiiwan.

Pinaghalawan:
https://www.ilo.org/manila/public/pr/WCMS_841421/lang--en/index.htm
https://www.un.org/en/observances/rural-women-day

Walang komento: