Lunes, Oktubre 10, 2022

Pahayag ng KPML sa World Mental Health Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD MENTAL HEALTH DAY
Oktubre 10, 2022

KALUSUGAN NG MAMAMAYAN, IPAGLABAN!
MATAAS NA SUICIDE RATE, PIGILAN!
PAGDODROGA AT DEPRESYON AY DAPAT MALUNASAN!
KAGUTUMAN AT KABALISAAN, TUGUNAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa World Mental Health Day o Pandaigdigang Araw ng Kalusugan sa Pag-iisip. Kung uunawain natin ito nang lampas sa pagtawag lang ng baliw sa isang tao, mas mauunawaan natin kung bakit dapat nating gunitain ang araw na ito. Hindi lamang ito tungkol sa mga pasyente sa Mental Hospital, kundi malaking problema ito ng lipunan na dapat tugunan.

Isa sa isyu ng mental health ay ang pagpapatiwakal, na isa sa pinakamabigat na isyu sa mundo. Sa Pilipinas, ang suicide rate noong 2019 ay 2.5 kada 100,000 populasyon. Maraming nagpatiwakal dahil sa samutsaring dahilan - nabigo sa pag-ibig, hindi nakapasa sa eksam, gustong makatakas sa problema, kagutuman, at iba pa.
 
Nariyan din ang isyu ng pagdodroga upang tumakas sa problema sa pamilya. Subalit ang mga nalululong dito ay hindi dapat basta patayin, tulad noong panahon ni Duterte, gamutin sila dahil ito'y problemang pangkalusugan. Marami rin ang nawalan ng mahal sa buhay noong martial law na hanggang ngayon ay hinahanap pa nila. Ang mga nakulong at nakalaya ay dapat mabigyang paghilom sa pamamagitan ng psychosocial na ugnayan, sa pagbabakasakaling malimutan ang mga naganap na tortyur at ilang taon ng pagkakulong.

Depresyon na dapat malunasan. Ang mga nadi-depress na maralita dahil sa samutsaring suliranin sa pamilya, nawalan ng tahanan dahil sa demolisyong walang relokasyon, nawalan ng tahanan at kagamitan dahil sa nasalanta ng bagyo, nawalan ng trabaho, hindi na mapakain ang pamilya, at marami pang problema, ay dapat lamang silang matulungan. Marami ring nababaliw dahil sa kagutuman at panggigipit sa kanila ng iilan.

Sa ganitong mga isyu, naisabatas sa ating bansa ang Republic Act No. 11036 o Mental Health Act na nilagdaan ni dating pangulong Duterte noong Hunyo 20, 2018.

Ang World Mental Health Day (Oktubre 10) ay isang pandaigdigang araw para sa pandaigdigang edukasyon sa kalusugang pangkaisipan, kamalayan at adbokasiya laban sa panlipunang istigma. Ito ay unang inalala noong 1992 sa inisyatiba ng World Federation for Mental Health, isang pandaigdigang organisasyon sa kalusugan ng isip na may mga miyembro at mga kontak sa higit sa 150 bansa. Sa araw na ito, bawat Oktubre, libu-libong mga tagasuporta ang pumupunta upang ipagdiwang ang taunang programa ng kamalayan na ito upang bigyang pansin ang sakit sa pag-iisip at ang mga pangunahing epekto nito sa buhay ng mga tao sa buong mundo.

Taun-taon, inaalala ng World Health Organization ang Oktubre 10 bilang World Mental Health Day, upang itaas ang kamalayan ng tao hinggil sa mga isyu sa kalusugan ng isip sa buong mundo at upang kumilos sa pagsuporta sa kalusugan ng isip. Ang tema para sa World Mental Health Day 2022 ay Making Mental Health and Well-Being for All a Global Priority'(o Gawing Pandaigdigan ang Pag-una sa Kalusugan ng Isip at Kapakanan para sa Lahat - malayang salin ng KPML).

Kaya sa araw na ito, World Mental Health Day, nakikiisa ang KPML sa lahat ng mga nakikibaka upang maging maayos ang kalagayan sa ating paligid, ugnayan sa isa't isa, at sa daigdig.

Pinaghalawan:
https://doh.gov.ph/press-release/DOH-ISSUES-GUIDELINES-ON-SUICIDE-PREVENTION-JOINS-WHO-AUSTRALIA-IN-THE-CALL-FOR-RESPONSIBLE-MEDIA-REPRESENTATION-OF-MENTAL-HEALTH-ISSUES
https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2018/ra_11036_2018.html
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Mental_Health_Day

Walang komento: