PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF THE GIRL CHILD
Oktubre 11, 2022
ALALAHANIN ANG MGA NAPASLANG NA BATANG BABAENG SINA
STEPHANIE NICOLE ELA, 7, STRAY BULLET, NEW YEAR, 2013
DANICA MAE GARCIA, 5, STRAY BULLET, WAR ON DRUGS, 2016
ALTHEA BARBON, 4, STRAY BULLET, WAR ON DRUGS, 2016
PANAGUTIN ANG MGA MAYSALA!
ITIGIL ANG KARAHASAN SA MGA BATANG BABAE!
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa International Day of the Girl Child (o Pandaigigang Araw ng Batang Babae). Kung inaalala natin ang International Women's Day (Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan), hindi ba't mas maiging gunitain din natin ang pandaigdigang araw para naman sa mga batang babae?
Bilang pag-alala sa mga batang babaeng napaslang sa War on Drugs ni dating pangulong Duterte, tumigil tayo kahit dalawang minuto upang alalahanin ang mga biktimang batang babae. Alalahanin natin sina Althea Fhem Barbon, apat na taon, mula Guihulngan, Negros Oriental, at Danica Mae Garcia, limang taon, mula sa Lungsod ng Dagupan. Nariyan din ang istorya ng pagkamatay ni Stephanie Nicole Ella, pitong taon, na napaslang ng ligaw na bala sa Lungsod ng Caloocan noong Bagong Taon ng 2013. Hanggang ngayon ay wala pang nananagot o napaparusahan sa mga nagkasala sa kanila.
Pinagtibay ng United Nations ang Resolution 66/170 na nagtatalaga sa Oktubre 11 bilang International Day of the Girl Child. Oktubre 11, 2012 ang unang araw na ginunita ito. Sinusuportahan nito ang mas maraming pagkakataon para sa mga batang babae at pinapataas ang kamalayan sa hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian na kinakaharap ng mga batang babae sa buong mundo. Ang hindi pagkakapantay-pantay na ito ay kinabibilangan ng mga lugar tulad ng pag-akses sa edukasyon, nutrisyon, legal na karapatan, pangangalagang medikal, at proteksyon mula sa diskriminasyon, karahasan laban sa kababaihan at sapilitang pag-aasawa ng mga bata.
Ang mga kabataang babae ay may karapatan sa isang ligtas, edukado, at malusog na buhay, hindi lamang sa mga kritikal na taon ng paglaki, kundi pati na rin sa kanilang pagtanda bilang babae. Kung mabisang nasusuportahan sa mga taon ng pagdadalaga, may potensyal ang mga batang babae na baguhin ang mundo - kapwa bilang babaeng binibigyang kapangyarihan sa ngayon at bilang manggagawa, ina, negosyante, tagapayo, pinuno ng sambahayan, at pinunong pampulitika sa hinaharap.
Ang mga maralita, tulad ng mga kasapi ng KPML, ay maraming mga anak na babae na nais din naming maprotektahan, at mapalaki sila ng maayos, mapagtapos ng pag-aaral, at magkaroon ng paninindigan para sa makataong lipunan.
Kaya sa araw na ito ng Pandaigdigang Araw ng mga Batang Babae, kami'y nakikiisa sa lahat ng batang babae at kanilang mga magulang sa pagprotekta sa kanila, hindi lamang sa mga nagaganap sa lipunan, kundi maging sa kalikasan, tulad ng pagbabago ng klima.
Mabuhay ang mga batang babae! Mabuhay ang mga kababaihan!
Pinaghalawan:
https://www.ucanews.com/news/children-are-the-innocent-victims-in-philippine-drugs-war/77099
https://newsinfo.inquirer.net/812366/bato-justice-for-slain-kids
https://newsinfo.inquirer.net/333839/girl-hit-by-stray-bullet-dies
https://www.un.org/en/observances/girl-child-day
https://www.unesco.org/en/international-day-girl-child
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento