PAHAYAG NG KPML SA IKA-29 ANIBERSARYO NG SANLAKAS
Oktubre 29, 2022
TAASKAMAONG PAGPUPUGAY SA SANLAKAS!
TAOSPUSONG PASASALAMAT! TULOY ANG LABAN!
TUNGO SA PANGARAP NA LIPUNANG PATAS!
TUNGO SA MAGINHAWA'T MALAYANG BUKAS!
Taaskamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo ng SANLAKAS. Mabuhay kayo, mga kasama!
Dalawampu't siyam na taon. Hindi biro ang pinagdaanan ninyo, ng ating organisasyon. Marami kayong natulungang maralita at marami kayong tagumpay na nakamit. Isa na riyan ang tagumpay ng pakikibaka ng mga maralita ng Sitio Mendez, na nang idemolis ay nagtungo at nagpiket sa Quezon City Hall. Matapos ang halos isang buwan ay nakamit nila ang kanilang kahilingang bumalik sa kanilang tahanan at isinagawa ang Martsa ng Tagumpay. Kamakailan lang ay ipinagdiwang nila ang kanilang ika-25 anibersaryo.
Nitong Agosto naman ay ika-20 anibersaryo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) na kasama ang Sanlakas sa nagtayo sa kasagsagan ng pakikibaka ng mga vendor laban sa pamumuno noon ni Bayani Fernando sa MMDA. Kasama rin ang Sanlakas sa pagkakabuo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at aktibong kasapi ng Freedom from Debt Coalition (FDC) sa matagal na panahon.
Nakapagpaupo ng tatlong kongresista ang Sanlakas partylist mula pa noong 1998, sa katauhan nina Ka Rene Magtubo, Ka Mario Cruz, at Attorney JV Bautista.
Kasama ang Sanlakas sa maraming pakikibaka, tulad ng Kilusang Roll Back, Tent City sa harap ng Kongreso, pakikibaka laban sa utang, pagbabago ng klima, pagtulong sa mga maralita laban sa demolisyon, kasama ng manggagawa laban sa salot na kontraktwalisasyon, pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, pangangampanya ng murang kuryente at pagbaba ng presyo ng pangunahing bilihin, pagtaas ng sahod ng manggagawa, pagtuligsa sa extrajudicial killings, at marami pang isyu't laban ng sambayanan. Isang partido pulitikal na nakikibaka para sa karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Napakaraming usaping ipinaglaban ng Sanlakas ang karapatan ng mga maliliit at aping sektor ng lipunan. Kasamang nangangarap ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo ng Sanlakas, kami sa KPML ay taospusong bumabati, nagpapasalamat, at taaskamaong nagpupugay! Padayon! Sulong hanggang sa tagumpay!
Pinaghalawan:
https://sanlakasfamily.blogspot.com/2009/07/sanlakas-history-recorded-at-green-left.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Sanlakas
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento