PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY
Oktubre 16, 2022
PAGPUPUGAY SA LAHAT NG MAGSASAKA'T
MANGGAGAWANG LUMILIKHA NG PAGKAIN!
GAYUNMAN, SA KAUNLARANG INABOT NG LIPUNAN,
KAYA NANG PAKAININ ANG SANGKATAUHAN,
SUBALIT KAYRAMI PA RING NAGUGUTOM!
Tara. Kain tayo. Mangan. Kaon kamo. Let's eat! Samutsaring salita upang sabihing kumain tayo ng sabay, at saluhan ang isa't isa. Tanda ng pakikisama at pakikipagkapwa-tao.
Gayunman, sa kaunlarang inabot ng lipunan, kaya nang pakainin ang sangkatauhan, subalit marami pa ring nagugutom! Nakarating na ang tao sa buwan, subalit kayrami pa ring nagugutom! Bakit ganito? Ayon sa datos ng World Food Programme, "Aabot sa 828 milyong tao ang natutulog nang gutom gabi-gabi, ang bilang ng mga nahaharap sa matinding kawalan ng pagkain ay tumaas - mula 135 milyon hanggang 345 milyon - mula noong 2019. Isang kabuuang 50 milyong katao sa 45 na bansa ang naliligalig sa gilid ng taggutom. Habang ang mga pangangailangan ay abot-langit, ang mga mapagkukunan ay umabot sa pinakamababa. Nangangailangan ang World Food Program (WFP) ng US$24 bilyon upang maabot ang 153 milyong tao sa 2022. Gayunpaman, sa pag-uurong ng pandaigdigang ekonomiya mula sa pandemya ng COVID-19, ang agwat sa pagitan ng mga pangangailangan at pagpopondo ay mas malaki kaysa dati." [malayang salin ng KPML]
Ngayong World Food Day o Pandaigdigang Araw ng Pagkain, ating alalahanin ang mga nagugutom at walang makain, lalo na't bukas naman ay International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw upang Pawiin ang Kahirapan. Magkakasunod na araw, magkakaugnay na usapin.
Ang World Food Day tuwing Oktubre 16 ay pag-alala sa petsa ng pagkakatatag ng United Nations Food and Agriculture Organization (FAO), na may layuning pataasin ang kamalayan sa kagutuman at kahirapan sa mundo at magbigay ng inspirasyon sa mga solusyon para sa pagbabago ng mundo.
Dito sa Pilipinas, maraming pagkain ang tira-tira sa mga fast food na kinukuha ng mga maralita, ipinapagpag muna, bago lutuin. Bakit ganito? Wala na bang dangal kaya kahit tira-tira'y muling niluluto at kinakain? Gayunpaman, sa 2022 Global Hunger Index, nasa ika-69 ang Pilipinas sa 121 na bansa na may sapat na data para makalkula ang 2022 GHI scores. Sa iskor na 14.8, ang Pilipinas ay may antas ng kagutuman na katamtaman.
Sa paggunita natin sa World Food Day, alalahanin nating maraming nagugutom pa rin sa kabila ng kaunlaran ng lipunan. Kaya patuloy pa rin nating pangarapin ang pagtatayo ng tunay na makataong lipunan, kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao, upang makakain ang lahat. Makakain ang bawat tao dahil sa kaunlarang inabot na ng lipunan, subalit dahil sa kapitalismo'y hindi nangyayari. Ang mga sobrang pagkain ay nais pang mabulok pag hindi naibenta imbes na ibigay sa mga nagugutom. Dapat nang palitan ang ganitong bulok na sistema!
Kaya ang KPML ay patuloy na nakikiisa sa uring manggagawa at sa lahat ng mga nakikibaka upang maitayo ang isang lipunang makataong tunay na mangangalaga sa kapakanan ng mga maralita. Sa ganitong nakikita nating sa kabila ng kaunlaran ay marami pa ring nagugutom, dapat na talagang baguhin ang bulok na sistema at itayo ang lipunang pantay at may malasakit sa bawat isa! Bulok na sistema, palitan na!
Pinaghalawan:
https://www.wfp.org/global-hunger-crisis
https://www.un.org/en/delegate/get-caught-world-food-day-2021
https://en.wikipedia.org/wiki/World_Food_Day
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento