Miyerkules, Oktubre 26, 2022

Pahayag ng KPML sa Global Media and Information Literacy week

PAHAYAG NG KPML SA GLOBAL MEDIA AND INFORMATION WEEK (OKTUBRE 24-31)
Oktubre 26, 2022

MAGBALITA NG WASTO AT KATOTOHANAN!
BAKAHIN ANG HALIBYONG O FAKE NEWS!
HISTORICAL DISTORTION AY LABANAN!
IPAGLABAN ANG KATOTOHANAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa Global Media and Information Literacy Week mula Oktubre 24 hanggang 31.

Sa panahong laganap ang halibyong o fake news, hindi lamang sa bansa kundi sa ibang panig ng daigdig, "idineklara noong 2021 ng UN General Assembly na gunitain ang Global Media and Information Literacy week, na binabanggit ang pangangailangan para sa pagpapakalat ng makatotohanan, napapanahon, napupuntirya, malinaw, naaabot, multilingguwal at nakabatay sa agham na impormasyon. Kinikilala ng resolusyon na ang malaking digital divide at hindi pagkakapantay-pantay ng mga datos na umiiral sa iba't ibang bansa at sa loob nito, ay maaaring matugunan sa bahagi sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga kakayahan ng mga tao na maghanap, tumanggap at magbigay ng impormasyon sa digital na larangan." [malayang salin ng KPML]

Ang Global Media and Information Literacy Week, taun-taon na ginugunita, ay isang malaking okasyon para sa mga stakeholder upang suriin at ipagdiwang ang pag-unlad na nakamit tungo sa "Media at Information Literacy para sa Lahat." Nito lang Oktubre 19, 2022 ay naglabas ng advisory ang DepEd Caloocan hinggil sa "Philippine Celebration of the Global Media and Information Literacy Week" na kumikilala sa linggong ito upang ang literacy sa ating bansa ay matugunan, at ang puntirya nila sa kanilang mga aktibidad ay mga estudyante, guro, at media professionals.

Gayunpaman, sa ating bansa, laganap ang halibyong o fake news na nagdudulot ng historical distortion at paggawa ng mali upang mapabango ang mabantot na kasaysayan ng martial law, kung saan naisadokumento na ang 11,103 na mga biktima ng martial law ay sinasabi pang isang golden age ang panahong ito, na hindi totoo, kundi golden age of terror na masasabi.

Hinggil naman sa isyu ng literacy, ayon sa Global Data, "Habang mas maraming tao ang nakakakuha ng mas mahusay na edukasyon, bumuti ang rate ng literacy ng Pilipinas. Sa pagitan ng 2010-2021, pinakamataas ang literacy rate sa taong 2021 at pinakamababa sa taong 2018. Umabot sa 99.27% ang literacy rate noong 2021. Sa pagitan ng 2010 hanggang 2021, tumaas ng 1.4% ang literacy rate ng Pilipinas. Sa isang taon-sa-taon na batayan, tumaas ng 0.03% ang rate ng literacy noong 2021." [malayang salin ng KPML] Mataas ang literacy rate ng bansa kaya dapat matanggap nila ay mga totoong impormasyon kung nais nating hindi malinlang ng mga fake news ang mamamayan.

Nararapat na matanggap ng ating mga estudyante at mamamayan ay mga totoong impormasyon mula sa loob agt labas ng bansa. Nararapat nating bantayan ang mga kasinungalingan at tugunan ito ng mga datos ng katotohanan, upang hindi maligaw ang henerasyon ngayon at mga susunod pang henerasyon, sa kung ano ang mga tunay na pangyayari sa bansa, na pilit binabaluktot upang paboran ang isang pamilya o partido. Kaya nararapat nating ipaglaban ang katotohanan, at isadokumento ang mga totoong pangyayari upang hindi malinlang ng mga halibyong ang ating mga kababayan!

Dapat ay mabasa ng mamamayan ay ang katotohanan, hindi mga halibyong o fake news. Dapat nating ipaglaban ang katotohanan! Hindi sapat ang makatotohanang pagbabalita, kundi ang dapat ay totoong pagbabalita! Isinisiwalat ang katotohanan, ng may katibayan at dokumento!

Kaya ngayong isang linggo ng Global Information and Literacy Week, mahigpit na nakikiisa ang KPML sa lahat ng umaalala sa konsepto nito at mga nagpapahayag ng katotohanan laban sa mga kabaluktutan na pinaiiral ng mga tusong maysalapi't makapangyarihan para sa pansarili lang nilang kapakinabangan!

Pinaghalawan:
https://www.unesco.org/en/weeks/media-information-literacy
https://www.un.org/en/observances/media-information-literacy-week
https://depedcaloocan.com/philippine-celebration-of-the-global-media-and-information-literacy-week/
https://www.globaldata.com/data-insights/macroeconomic/literacy-rate-in-the-philippines/

Walang komento: