Biyernes, Oktubre 21, 2022

Pahayag ng KPML sa World Iodine Deficiency Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD IODINE DEFICIENCY DAY
Oktubre 21, 2022

IWASAN ANG PAGKAKASAKIT NG THYROID AT GOITER!
KALUSUGAN NG MAMAMAYAN AY PANGALAGAAN! 
IODINE DEFICIENCY DISORDERS (IDD) AY IWASAN!
INDUSTRIYA NG ASIN SA PILIPINAS, PAUNLARIN!
MANGGAGAWA NG ASIN SA BANSA, SUPORTAHAN!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa World Iodine Deficiency Day. Ang Global Iodine Deficiency Disorders (IDD) Prevention Day o World Iodine Deficiency Day ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing ika-21 ng Oktubre. 

Sa World Summit for Children noong 1990, nagtakda ang mga pinuno ng daigdig ng layunin na alisin ang mga kakulangan sa iodine sa taong 2000. Sa mga sumunod na taon, ang mga bansang gaya ng India at China ay naglunsad ng kani-kanilang National Day for the Prevention of Iodine Deficiency Disorders.

Ayon sa World Health organization (WHO), "Ang mga iodine-deficiency disorders (IDD), na maaaring magsimula bago ipanganak, ay nagsasapanganib sa kalusugan ng isip ng mga bata at kadalasan ang kanilang kaligtasan. Sa panahon ng neonatal, pagkabata at pagbibinata, ang mga IDD ay maaaring humantong sa hypothyroidism at hyperthyroidism. Ang malubhang kakulangan sa iodine sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring magresulta sa panganganak ng patay, kusang pagpapalaglag at mga congenital na abnormalidad tulad ng cretinism - isang malubha at hindi maibabalik na anyo ng mental retardation na nakakaapekto sa mga taong naninirahan sa mga lugar na kulang sa iodine sa Africa at Asia. Ang mas malaking kahalagahan ay ang hindi gaanong nakikita, ngunit malaganap, ang kapansanan sa pag-iisip na nagpapababa ng kakayahan sa intelektwal sa tahanan, sa paaralan at sa trabaho." [malayang salin ng KPML]

Ang iodine ay isang mahalagang micronutrient na kinakailangan para sa normal na galaw ng thyroid, paglaki, at pag-unlad. Dahil ang kakulangan sa iodine ang pinakakaraniwang sanhi ng goiter sa Pilipinas, pinapayuhan ang mga tao na gumamit ng iodized salts sa kanilang pagkain at kumain ng mga pagkaing mayaman sa iodine tulad ng mga dairy products, seafood (shellfish at seaweeds), karne, tinapay at itlog.

Sa Pilipinas, naisabatas ang Republic Act 8172, o ang Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN LAW), na batas na nagdaragdag ng iodine sa asin na inilaan para sa pagkain ng hayop at tao upang maalis ang micronutrient malnutrition sa bansa. Ang Batas ay inaprubahan noong Disyembre 20, 1995 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Subalit ngayon, nagkukulang ang mga asin sa bansa at kailangan pa nating umangkat ng asin, bagamat napapalibutan tayo ng dagat. Kaya bakit natin kailangang umangkat ng asin? Tutubo na naman ba rito ay mga kapitalista? Dapat suportahan ang produksyon ng asin sa bansa, at ang mga asin na magagawa ng ating mga manggagawa ay lagyan ng iodine kung kinakailangan. Suportahan din ang mga manggagawa ng asin na maging regular sa trabaho, hindi kontraktwal, at may maayos na pasahod.

Kailangan ng mga maralitang isang kahig, isang tuka, na maging malusog ang kanilang mga anak sa paglaki, upang hindi lumaki ang mga ito na payat at mahina, Kaya ang pangangailangan ng iodine ay isama sa lahat ng programa para sa mga bata, lalo na ang mga mahihirap.

Pinaghalawan:
https://doh.gov.ph/node/16406
https://www.who.int/data/nutrition/nlis/info/iodine-deficiency
https://nnc.gov.ph/regional-offices/mindanao/region-xi-davao-region/7066-asin-law

Walang komento: