ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.
Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.
Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.
Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.
Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon
Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic.
Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento