Lunes, Hunyo 30, 2008

Katipunan ng Maralita sa Timog Katagalugan (KTMK), Ikinakasa

Katipunan ng Maralita sa Timog Katagalugan (KTMK), Ikinakasa

Ikinakasa na ang pagtatayo ng Katipunan ng Maralita sa Timog Katagalugan. Ayon kay Ka Pedring Fadrigon, pambansang tagapangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod, napapanahon na ang pagbubuo ng Katipunan ng Maralita sa Timog Katagalugan (KTMK) bilang isang kilusan para sa katiyakan sa paninirahan, trabaho, kabuhayan, karapatan at kapayapaan tungo sa maunlad na mga komunidad sa Timog Katagalugan, na binubuo ng limang probinsya sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon). Isinagawa ang pulong ng BMP-TK, KPML, ZOTO at mga lokal na organisasyon sa Laguna noong Hulyo23, 2008, sa Laguna Training Center sa Brgy. Parian, Calamba, Laguna.

Ayon naman kay Ka Ronnie Luna ng BMP-Timog Katagalugan, “Sa kasalukuyan ay narito ngayon sa Cavite, Laguna at Batangas ang pinakamalaking bilang ng industriya at manggagawa sa buong Luzon. Halos kalahati ng export o ekonomya ng bansa ay nagmumula sa eryang ito, at 80% ng mga industriya dito ay pagmamay-ari ng mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon. May 23 industrial park sa Laguna, 23 sa cavite, 18 sa Batangas, 2 sa Quezon at 3 industrial clusters sa Rizal at binubuo ito ng higit 7M voting population.”

Idinagdag pa ni Ka Ronnie, “Sa pagpasok ng globalisasyon, rapid industrialization ang naganap sa eryang ito, tulad ng kumbersyon ng malalawak na lupain mula lupang taniman tungong lupang industriyal, kumersyal, subdibisyon at recreation. Maraming magsasaka ang nawalan ng lupang sakahan at taniman at lumaganap ang kontraktwal na empleyo. Marami namang manggagawa ang natanggal sa trabaho o di tumagal sa empleyong 5-months policy ng mga kumpanya. Dahil dito, maraming maralita ang naobligang manirahan sa mga mapanganib na lugar, tulad ng gilid ng pabrika, tabing ilog, ilalim ng tulay at sa tabi ng kahabaan ng riles.”

Ayon naman kay Ka Lydia Ela, tagapangulo ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), “Dahil sa kawalan ng katiyakan sa pagtatrabaho at pagsasapribado ng gobyerno sa proyektong pabahay, libu-libo o daang libong pamilya ngayon ang posibleng mapalayas sa kanilang bahay dahil sa hindi makahulog sa kanilang buwanang amortisasyon sa mga private housing financing agencies at institutions. Kaya nararapat lamang magkaisa ang mga maralita dito sa Laguna para sa katiyakan sa paninirahan, at ipaglaban nila ang kanilang karapatan.”

Ayon pa kay Ka Ronnie, nariyan na ang Executive Order 708 ni Gloria Arroyo na naglilipat ng pagiging clearinghouse mula sa PCUP tungo sa LGUs, na siyang lalong magtitiyak ng demolisyon sa kabahayan ng mga maralita.

Walang komento: