Lunes, Hunyo 30, 2008

Ka Eddie Guazon, Unang Tagapangulo ng KPML

KA EDDIE GUAZON
Unang Tagapangulo ng KPML
ni Greg Bituin Jr.


Ika-19 ng Mayo, 1989, nawalan ang maralitang lunsod ng isang magiting at magaling na lider-maralita.

Si Ka Eddie Guazon, ang unang tagapangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), ay inatake sa puso sa gitna ng pakikipagdebate sa loob ng Senado habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis sa hearing ng Senate Committee hinggil sa mararahas na demolisyon. Isinugod siya sa Philippine General Hospital (PGH) ngunit wala na siyang buhay nang idating doon. Kahit sa huling hibla ng kanyang hininga, ipinaglaban ni Tatay Eddie (tawag ng maralita kay Ka Eddie) ang interes at karapatan ng maralita.

Si Tatay Eddie ay ipinanganak noong Agosto 13, 1925 sa Placer, Surigao del Norte. Bunso siya sa apat na magkakapatid. Sa gulang na dalawa’t kalahating buwan ay maagang naulila si Tatay Eddie. Maagang nagkahiwalay silang magkakapatid at inalagaan ng kanilang mga kamag-anak. Noong 1947, naisipan ni Tatay Eddie na pumunta sa Maynila. Nagbenta siya ng dyaryo’t sigarilyo sa Quiapo. Hanggang sa mamasukan siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kaya’t nakapag-enrol siya sa University of Manila (UM) at nakakapag-aral sa gabi. Ngunit dahil sa kahirapan, natigil siya sa kanyang ikaapat na taon sa kolehiyo. Isa nang clerk si Tatay Eddie sa DPWH nang kanyang mapangasawa si Felicitas “Nanay Feling” Griar, na mula din sa kanilang probinsya. Noong 1963, tumira sila sa Barrio Magsaysay sa Tondo. Dito sa komunidad na ito nagsimula ang kanyang pagsama sa mga samahang maralita.

Naging lider siya ng Kapisanang Maginoo sa kanilang lugar. Naging tagapangulo rin siya ng Samahang Kristyanong Komunidad. Mula noon, ipinaglaban na ni Tatay Eddie ang karapatan at kapakanan ng maralita. Noong mga unang taon ng 1970s, pinangunahan niya ang mga taga-Barrio Magsaysay sa paghiling kay Marcos na magkaroon ng lupa ang bawat pamilya. Naibigay ito, ngunit hindi naging maayos ang mga serbisyo ng gobyerno.

Noong panahon ng martial law, nakulong ng dalawang beses si Tatay Eddie ng walang warrant of arrest o kaso sa korte. Napiit siya ng siyam na buwan sa Fort Bonifacio noong 1974. Noong 1978, siya ay ikinulong uli, kasama ng kanyang anak na si Gloria, ng tatlong buwan sa Bicutan. Dahil sa kanyang ikalawang pagkakapiit, napilitan siyang magretiro sa gobyerno, at tinutukan ang pag-oorganisa ng mga maralita ng lunsod.

Sa panahon ng kampanya laban sa diktadurang Marcos, pinamunuan ni Tatay Eddie ang Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) sa pakikibaka laban sa mga anti-maralitang batas at mga polisiya at programa ng pamahalaan.

Noong 1986, inilunsad ng gobyernong Aquino ang isang pambansang konsultasyon-palihan (national consultation-workshop) na dinaluhan ng mga maralitang lunsod, kung saan dito naitatag ang National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO). At isa sa ipinanawagan ni Tatay Eddie rito ay ang pagkakaroon ng ahensya para sa maralita, na kakatawan sa mga maralita sa pagpaplano at implementasyon ng mga programa at polisiya ng gobyerno. Pagkatapos ng palihan, agad na nalikha ang Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP). Ngunit ang mga mahahalagang panukala ng NACUPO ay hindi isinama sa tungkulin ng PCUP. At wala rin isa man sa limang komisyoner ng PCUP na galing mismo sa mga samahang maralita.

Nang matatag ang PCUP, ang PCUP mismo ang nagrerekomenda ng demolisyon sa iba’t ibang lugar, tulad ng Talayan sa Lunsod Quezon at sa Sta. Mesa, Maynila, sa pakikipagtulungan sa National Housing Authority (NHA). Dahil dito, tinuligsa na ni Tatay Eddie ang PCUP at ang rehimeng Aquino sa mga rali at TV talk shows.

Noong Disyembre 18, 1986, nagbigkis-bigkis ang mga grupo ng maralita na pinangunahan ng CUPAP, Zone One Tondo Organization (ZOTO) at Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA), at itinatag ang KPML. Nahalal na unang tagapangulo nito si Tatay Eddie. Bilang tagapangulo nito, sinabi niyang “Ang kasiguruhan sa paninirahan ay karapatan ng bawat mamamayan maging siya man ay maralita” Dahil sa matatag na paniniwalang ito, nakilala ang KPML at nirespeto ng marami, karaniwang tao man o pamahalaan. Ang tinuran niyang yaon ay naging paninindigang tangan pa rin ng KPML hanggang ngayon.

Ang huli niyang hinawakang tungkulin ay ang pagiging pansamantalang tagapangulo ng Urban Poor Forum.

Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, doon sa Senado, ipinakita ni Tatay Eddie ang kanyang dedikasyon at komitment para sa kagalingan ng maralita.

Saan ka man naroroon, Tatay Eddie, maraming maraming salamat. Isa kang inspirasyon sa lahat ng maralitang nakikibaka para sa pabahay, kabuhayan at katarungang panlipunan. Hindi ka namin malilimutan.


(Nalathala sa Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 2, Taon 2004, pahina 5)

Walang komento: