Biyernes, Hulyo 24, 2009

Con Ass Manila Five, Niralihan ng Maralita

PRESS STATEMENT
Hulyo 24, 2009

SA PAGPAPATULOY NG SHAME CAMPAIGN
CON-ASS MANILA FIVE, NIRALIHAN NG MARALITA
SINUNOG DIN ANG PANUKALANG BATAS NI DATO ARROYO

Nagpapatuloy pa ang shame campaign laban sa mga kongresistang pro-Con Ass. Inilunsad ng mga maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO), at Piglas-Kabataan (PK) ang mga kilos-protesta sa harapan ng bahay at tanggapan ng limang kinatawan ng Maynila, na tinawag nilang Con Ass Manila Five. Pinagbabato nila ito ng mga bulok na kamatis bilang simbolo ng kamatayan ng demokrasya at kalayaan. Sinabi pa nilang dinala nila ang kanilang laban sa lansangan at sa mismong bakuran ng mga ulupong upang kondenahin ang kanilang pagpirma sa HR 1109, at tangkang pagsuporta sa HR 737 ni Speaker Nograles.

Pinuntahan nila ang bahay at tanggapan nina Rep. Amado Bagatsing (Manila-D5, KAMPI) sa Jorge Bocobo St. cor. J. Nakpil St, Bienvenido Abante (Manila-D6, LAKAS-CMD) sa Revilla St., in Sta. Ana, Trisha Bonoan-David (Manila-D4, KAMPI) sa Dapitan St. Sampaloc, Zenaida Angping (Manila-D3, NPC) sa Binondo, at Jaime C. Lopez (Manila-D2, LAKAS-CMD). Sa anim na distrito sa Maynila, tanging isang kongreista lamang ang di pumirma sa HR 1109, at ito’y si Benjamin Asilo (Manila-D1, PDP-LABAN).

Isang araw matapos ang rali ng KPML at ZOTO sa tanggapan nina Rep. Mitch “Miss Con Ass” Cajayon (Caloocan City - D2, LP) at Rep. Alvin “Mr. Con Ass” Sandoval (Malabon-Navotas, Lone Dist., LP), agad na nagpasa ng Panukalang Batas 6358 si Rep. Diosdado "Dato" Arroyo (Camarines Sur - D1, KAMPI), na nagsasaad na bawal nang magprotesta sa mga bahay ng mga opisyal ng gobyerno, kahit na ang mga ito’y sangkot sa mga katiwalian o mga masigalot na usapin. Nais ng nasabing panukalang amyendahan ang Artikulo 131 ng Revised Penal Code, na sa talata una at ikatlo ay nagsasaad: “Pagbabawal, pagsaway at paglalansag ng mapayapang asambleya. – Ang parusang prision correccional sa pinakamaikling panahon nito ay dapat igawad sa sinumang opisyal ng bayan o empleyado na, dahil walang batayang legal, ay nagbawal o sumaway sa pagdaraos ng isang mapayapang pulong, o paglalansag nito. Ang kaparehong parusa ay igagawad sa sinumang opisyal ng bayan o empleyado na magbabawal o hahadlangan ang sinumang tao sa pagsasalita, mag-isa man o may kasama, ng anumang petisyon sa mga awtoridad para sa koreksyon sa pag-aabuso o pagtutuwid sa mga hinaing.”

Ayon kay Allan Dela Cruz, pangkalahatang kalihim ng KPML, “Ipinagpapatuloy namin ang kilos-protesta sa mga bahay at tanggapan ng iba’t ibang pro-Con Ass na kongresista bilang bahagi ng aming shame campaign dahil sa pagpirma nila sa notoryosong HR 1109. Itinatakwil din namin ang pakana nilang HR 737 ni Speaker Nograles upang mag-ari ng 100% ang mga dayuhan ng ating mga lupain, media, eskwelahan, ospital at iba pang serbisyo. Ibinabasura din namin ang HB 6358 ni Dato Arroyo, dahil ang aming karapatang matugunan ang aming mga hinaing, na nasasaad sa Katipunan ng mga Karapatan, ay dapat igalang ng estado. Alam namin ang aming mga karapatang nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 4 ng Konstitusyong 1987, na nagsasabing: Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan."

Walang komento: