Miyerkules, Hulyo 22, 2009

Miss Con Ass, Niralihan ng Maralita

PRESS RELEASE
Hulyo 21, 2009

MISS CON ASS, NIRALIHAN NG MARALITA

Bilang bahagi ng isinasagawang shame campaign ng iba’t ibang organisasyon upang iprotesta ang notoryosong House Resolution 1109 na nagbibigay-daan upang gawing Constituent Assembly (Con Ass) ang Mababang Kapulungan lamang, di kasama ang Senado, nagrali ang may 40 katao mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lunsod (KPML) at Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa district office ni Caloocan District 2 Reps. Mitch Cajayon, na tinawag nilang “Miss Con Ass”. Mayroon silang dalang sash na ang nakasulat ay “Miss Con Ass” na tumutukoy sa magandang kongresista.

Nauna na silang nagrali sa mga bahay nina Speaker Nograles, Reps. Vincent Crisologo (QC-D1), Nanette Castelo-Daza (QC-D4), at sa iba pa. Susunod nilang pupuntahan si Rep. Alvin Sandoval ng Malabon-Navotas. Nananawagan sila sa mga kinatawang ito upang iurong na nila ang pagkakapirma at pagsuporta sa Con Ass upang baguhin ang Saligang Batas.

Ayon kay Allan Dela Cruz, KPML secretary general, "Nangangamba ang mga maralita kung magpapatuloy pa ang HR 1109, hindi lamang dahil sa paglawig ng termino ng kasalukuyang nag-ookupa sa Malacañang, kundi higit sa lahat, dahil balak na ng mga kongresistang tanggalin ang mga proteksyong nasasaad sa mga probisyong pang-ekonomya sa Saligang Batas, na tiyak na magpapahamak sa bansa, at pati na rin sa mga maralitang komunidad. Nais ng mga pro-Con Ass na kongresista na irebisa, di lang amyendahan, ang Saligang Batas, lalo na yaong 60%-40% pag-aari na gagawing 100% pag-aari ng mga dayuhan ang mga lupa, media, eskwelahan, ospital, at iba pang serbisyo sa mamamayan. Kung magkakaganito, wala nang matitirahan ang mga Pilipino, laluna ang mga maralita pag inari na ng mga dayuhan ang ating lupain."

Idinagdag pa ni Dela Cruz na ipagpapatuloy nila ang shame campaign sa lahat ng mga lumagda sa HR 1109, lalo na yaong sumusuporta sa HR 737 ni Speaker Prospero Nograles, na ang nakasaad dito’y tatanggalin na ang mga proteksyong pang-ekonomya sa Saligang Batas upang ibuyangyang na ito sa mga dayuhan.

Walang komento: