Linggo, Setyembre 19, 2010

2 Residente sa Dinemolis sa New Manila, Binaril ng Gwardya

Setyembre 19, 2010

2 Residente sa Dinemolis sa New Manila, Binaril ng Gwardya

Muling nagulo ang mayapang pagtulog ng mga residente ng dinemolis na kabahayan sa Brgy. Mariana, New Manila, QC, kaninang bandang ala-una y medya ng madaling araw nang namaril ang mga gwardya ng nang-aangking may-ari ng lupa.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Salvador Bernales, 35 anyos, na tinamaan ng mga pellet sa likod at hita, at Jess Radores, 28, na tinamaan naman sa likod. Si Bernales ay isinugod sa East Avenue Medical Center, habang si Radores naman ay nasa ibang pagamutan. Si Bernales ay nakarinig ng putok kaya lumabas ng tahanan, ngunit pagbaba niya, napansin niyang may tama na siya ng bala, trapal lamang ang dingding ng kanilang tahanan. Si Radores naman ay natutulog na, at ng makarinig ng putok ay kinoberan ang anak kaya tinamaan siya sa likod, kumot lamang ang dingding ng kanilang bahay. Ang mga balang tumagos sa kanilang katawan ay pawang mga bolitas.

Ayon sa mga saksi, tatlong pagsabog umano ang kanilang narinig, kasunod nito ay anim na putok, at ang huli ay putok ng shotgun. Ang mga gwardya'y galing umano sa R-911 Security Agency.

Nakuha rin ng mga residente ang dalawang molotov na umano'y ibinato ng mga gwardya upang sunugin ang pansamantala nilang tahanan.

Isa pang residenteng nagngangalang Jay-Ar, 24, ang binugbog at putok ang nguso. Umano'y hinatak siya ng gwardya sa loob ng binakurang lupang inaagaw ng isang Felino Neri, kinaladkad at saka binugbog.

Ito na ang pangalawang insidente ng pamamaril ng mga gwardya sa lugar. Nauna rito, noong Agosto 27, 2010, binaril ng gwardyang si Reymarc Arsenal ang babaeng si Dorina Dagohoy Bahin na tinamaan sa kanang balikat. Dinala naman sa Baras Police Station ang namaril na gwardya habang ang biktima naman ay isinugod sa malapit na pagamutan.

"Hindi na iginalang ng mga gwardya ang ating karapatang pantao, winasak na nila ang ating mga tahanan ay gusto pa yata tayong patayin. Gumagawa sila ng aksyon para i-provoke kaming labanan sila. Ginagalit nila ang mga tao." sabi ni Sandy Bengala, pangulo ng Bukluran ng Sais at Siete Neighborhood Association (BSSNA) sa Brgy. Mariana, New Manila, na samahan ng mga residente sa lugar.

"Hinihingi namin ay hustisya na huwag sanang maipagkait sa amin," dagdag pa ni Bengala.


Walang komento: