SERYOSONG NEGOSASYON
PARA SA SERYOSONG SOLUSYON
PARA SA SERYOSONG SOLUSYON
Higit sa isang buwan na buhat ng tupukin ng apoy ang ating mga tirahan sa naganap na sunog noong Agosto sa Barangay Sipac-Almacen at Navotas West. Mahigit isang buwan na rin ng kawalan ng katiyakan kung kailan babalik ang normal na pamumuhay ng mga maralitang biktima ng malagim na trahedyang nabanggit.
Siksikan pa rin ang mga evacuation centers resulta ng napakarami nating mga kapwa biktima ng sunog ang walang kakayahang maihanap ng masisilungan ang kanilang mga pamilya at mga anak. Marami na ang dinapuan ng kung anu-anong karamdaman resulta ng masikip, di sapat na bentilasyon at masamang sanitasyon sa mga lugar na pinaglagakan sa atin. Kamakailan lang ay dalawang bagong panganak na sanggol ang namatay resulta ng kalagayang nabanggit sa Navotas Sports Complex.
Malaki na rin ang problema ng kakapusan ng pagkain, tubig, gamot at mga relief goods na dati ay lagi't laging laman ng mga pahayagan, radyo at telebisyon na regular na ipinamumudmod ng mga pulitiko, mga NGO at kung anu-ano pang mga institusyon.
Dalawang bagay ang dahilan kung bakit tayo nagtitiis sa malakulungang kalagayan sa mga evacuation centers. Una ay ang kawalan ng pera upang mangupahan ng kwarto kung saan makakapamuhay tayo ng normal, may privacy, naaalagaan at nakakapag-aral ang ating mga anak, nakakapaghanapbuhay ang mga magulang, at iba pang mga bagay na karaniwang ginagawa ng isang karaniwang mag-anak.
Ikalawa, dahil sa pangako sa atin na tiis-tiis muna at pababalikin naman tayo diumano sa lugar na dating kinatitirikan ng ating mga tahanan. May kasunduan daw ang Pamahalaan at ang diumano'y may-ari ng lupa't dagat na paupahan sa atin ang "kanilang" ari-arian hanggang sa tuluyang maging atin sa ilalim ng programang CMP.
May sinasabi rin na iri-relocate ang mga taong nakatira sa dagat sa mga relocation areas sa Towerville habang ang mga nais magsiuwi sa kani-kanilang probinsya ay bibigyan ng pamasahe pauwi.
Tatlong opsyon ang iwinawagayway sa atin ng gobyerno na hindi malinaw kung paano ito ipapatupad. Sa programang CMP halimbawa, ano ang tunay na estado ng pag-aari ng mga sinasabing lupaing ito? Ano ang magiging epekto sakaling maipatupad ang CMP sa gitna ng planong ang lugar ay magiging bahagi ng proyektong reclamation? Kung dati ay itinaboy tayo dahil sa sunog, malamang ay itaboy din tayo sakaling makapagtayo tayo ng tirahan sa kaparaanang ebiksyon o demolisyon sa panahong ipatupad na ang proyektong reklamasyon.
Hindi rin klaro kung saan at paano ang planong relokasyon sa atin. Hindi natin maintindihan kung pinipili ba ng gobyerno ang mabibigyan nito dahil sa kawalan ng sistema kung paano otp mapapakinggan ng mga biktima ng sunog. Totoong karapatan ng gobyerno na uriin kung sino ang mga lehitimong dapat mabigyan ng relokasyon pero dapat ihayag nila ang mga polisiya para sa implementasyon nito at hindi parang mga patagong transaksyon ang ginagawa ng ilang mga kinatawan o ahente nito. Kung sinsero ang gobyerno sa sinasabing relokasyon, matagal na ang isang buwan para ilagay sa ayos ang mga kaukulang hakbang para maipatupad ito.
Maging ang programang balik-probinsya ay alam nating isang malaking kabalbalan. Hindi nito nilulutas, kundi iniiwasan ng programang ito ang obligasyong tumugon sa problema ng mga maralitang nakipagsapalaran sa lungsod upang takasan ang kahirapan sa kanayunan. Ang pagbibigay pamasahe para pauwiin sa kani-kanilang probinsya ang mga maralita ay katulad ng pagbibigay ng separation pay ng isang kapitalista sa sinibak na trabahador. Kasing kahulugan ito ang pagtalikod sa obligasyong dapat harapin ng isang dapat na may pananagutan.
Mga kasama, hangga't ang trato sa atin ng pamahalaan ay mga pulubing dapat magpasalamat kapag binigyan at dapat magtiis kung wala ay isang paraan ng pag-iwas sa kanilang obligasyon sa kanyang mamamayan. Klarong umiiwas ang gobyerno na seryosong harapin at hanapan ng lunas ang paghihirap ng mga biktima ng sunog. Ito ang nakita natin ng sumulat tayo sa kanila at humingi ng diyalog upang ilahad natin ang ating kalagayan, suliranin at kahilingan. Ano ang ginawa nila? May nagsasabing para tayong nasermunan at may nagsasabi ring nabola tayo nang hindi sa negotiating table hinarap ang ating mga kinatawan kundi sa pamamagitan ng talumpati sa Sports Complex.
Gusto natin ng seryosong negosasyon para humanap ng seryosong solusyon. Ngunit kung ang nais ng gobyerno ay usapang kanto, maghanda tayo kung ganun sa kanto-kantong usapan.
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
Setyembre 28, 2010
Setyembre 28, 2010
DUMALO SA GAGANAPING GENERAL ASSEMBLY NG LAHAT NG BIKTIMA NG SUNOG SA SETYEMBRE 29, 2010, IKA-4 NG HAPON SA C4 BAYWALK
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento