Sabado, Setyembre 25, 2010

ps - laban ng maralita sa North Triangle

Press Statement
Setyembre 25, 2010

BARIKADA ANG TUGON NG MARALITA
LABAN SA DEMOLISYON SA NORTH TRIANGLE

"Tutol kami sa pa-relokasyon ng NHA sa North Triangle sa Southville 8, Montalban City! Ipagtatanggol namin ang Karapatan sa Paninirahan sa North Triangle! Isulong ang Demand na Moratoryum sa Demolisyon!" Ito ang mariing pahayag ng mga maralitang lunsod na dinemolis kahapon sa Sitio San Roque, North Triangle, Quezon City.

Ang kanilang isyu: ipatigil ang bantang demolisyon sa kanilang lugar bunsod ng proyektong CBD o Central Business District, kung saan tatamaan nito ang 10,000 hanggang 12,000 pamilyang nakatira sa North Triangle at East Triangle, at mula Veterans Hospital hanggang East Avenue Medical Center.

Ayon sa San Roque Community Council (SRCC) - North Triangle Alliance (NTA) na kasapi ng Koalisyon sa North Triangle: "Ang sagot ng NHA - demolisyon, sa Montalban ang relokasyon. Ngunit ang tugon ng North Triangle - BARIKADA. Ang aming kahilingan: 3 TAONG MORATORYUM SA DEMOLISYON upang isaayos ang programa at plano sa palupa at pabahay ng libong pamilya ng North Triangle. Ipinaglalaban namin ang ON-SITE HOUSING sa mixed use na CBD! QC in-city relocation, huwag sa Montalban itapon!"

Sinabi naman ng dating Mayor Sonny Belmonte na proyekto talaga ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang Central Business District (CBD). Ngunit ang di natin malaman kung bakit pinalulutang ni Mayor Herbert "Bistek" Bautista ang kanyang kamangmangan sa isyu sa pagsasabing "itong nagrereklamong ito na mga sindikato na nagpapaupa, pinagsasamantalahan nila yung mga mahihirap na tao, yung tunay na mga mahihirap na tao para kumita so it's not good, so ito ang mga bagay, na mga taong na dapat nating hulihin at dapat nating parusahan" (GMA7 news), imbes na ang gawin nya ay ayusin ang mismong problema ng demolisyon at kalagayan ng maralitang madedemolis ay binabaligtad niya ang isyu. Na para bang nais niyang matuwa sa kanya ang mga taga-Ayala Land na marahil ay nagbayad na ng malaki sa kanya. Ang isyu, Mayor Bistek, narito ang kabuhayan ng mga maralita, narito na sila isinilang, lumaki at nagbuo ng kanilang pangarap, tapos aalisin lamang at wawasakin ang kanilang kinagisnan.

Gayunman, ang pagkatigil ng demolisyon at pag-order ni Pangulong Aquino na itigil muna ang demolisyon at irebyu ang kaso. Ngunit ito'y inorder ni PNoy dahil sa ginawang pagtatanggol ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan at pagdepensa sa kanilang tahanan, dahil naniniwala silang kaakibat ng tahanan ang dignidad ng tao. Ito’y tagumpay ng maralita dahil sa paglaban at pagkakaisa.

Ang sigaw ng mga maralita ng San Roque: "Tutol kami sa pa-relokasyon ng NHA sa North Triangle sa Southville 8, Montalban City! Ipagtatanggol namin ang Karapatan sa Paninirahan sa North Triangle! Isulong ang Demand na Moratoryum sa Demolisyon!"

Lubusin ang tagumpay ng North Triangle! Tuloy ang laban ng maralita! Labanan ang anti-maralita, maka-kapitalistang patakaran sa pabahay ni P-Noy!

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan kina Tita Flor Santos ng SANLAKAS sa 09154895510 at Ate Teody Gacer ng SRCC sa 09283513627.

Walang komento: