Huwebes, Setyembre 23, 2010

Pahayag ng SRCC-NTA, San Roque, North Triangle

BARIKADANG MASA NA LAMANG ANG PIPIGIL SA DEMOLISYONG PAKANA NG NHA SA CBD PROJECT SA NORTH TRIANGLE!

Tutol kami sa pa-relokasyon ng NHA sa North Triangle sa Southville 8, Montalban City!

Ipagtatanggol namin ang Karapatan sa Paninirahan sa North Triangle!

Isulong ang Demand na Moratoryum sa Demolisyon!

Hindi pa man naisusulat ang katitikan ng pulong sa pagitan ng mga kinatawan ng Koalisyon ng mga Naninirahan sa North Triangle sa Demolisyon at Katiwalian at ng Urban Triangle Development Commission sa opisina ng NHA, nag-isyu agad si Victor Balba, NHA OIC / Group Manager ng NCR-AMO, ng HULING PITONG (7) ARAW NA ABISO ng PAGPAPALAYAS sa mga residente ng North Triangle noong Setyembre 16, 2010. Kaya't ngayong ika-23 ng Setyembre ang ikapitong araw.

Hindi pa man naidedeliber ni NHA General Manager Chito Cruz ang pangakong ipararating kay Bise Presidente at HUDCC Chairman Jejomar C. Binay ang kahilingan ng koalisyon na kausapin si Binay para makipag-diyalogo ay walang pakundangang dinesisyunan na ang pagpapalayas at relokasyon. Ang laking kaBALBAlan ni Victor!

Ang kapal pa ng mukha ng NHA sa pagsasabing lahat ng ito ay alinsunod sa Batas ng UDHA at ang Implementing Rules and regulations (IRR) nito. Palibhasa'y nagmamadali na ang Ayala Land, na siyang pinanalo ng NHA sa P22 Bilyong Pisong kontrata sa debelopment ng Central Business District, nagkukumahog din ang NHA sa pagpapalayas sa amin, sukdulang babuyin pa ang nalalabing pakinabang sa UDHA!

Nagsinungaling pa ang corporate analyst ng NHA sa pagsasabing hindi uubra (not viable) ang ON-STE PROPOSAL HOUSING PLAN ng Koalisyon. Gayong hindi naman nila sinagot ng pormal ang isinumiteng alternatibong plano, dalawang taon na ang nakararaan.

Ang sagot ng NHA - demolisyon. Sa Montalban ang relokasyon!

Ang tugon ng North Triangle - BARIKADA. Ang kahilingan: 3 TAONG MORATORYUM SA DEMOLISYON upang isaayos ang programa at plano sa palupa at pabahay ng libong pamilya ng North Triangle!

Ipaglaban ang ON-SITE HOUSING sa mixed use na CBD!

QC in-city relocation, huwag sa Montalban itapon!

Kung KASAMA KAMI SA PAGBABAGO, ipaubaya sa amin ang pangangasiwa ng planong pabahay sa paraang kooperatiba!

Kabuhayan at kaunlaran, hindi pangwawasak ng pamayanan!

Kung alisin ang isa, alisin sabay-sabay kaming lahat!

San Roque Community Council (SRCC) - North Triangle
Alliance (NTA) - (kasapi ng KOALISYON)

Walang komento: