Lunes, Setyembre 27, 2010

4 Puntos Bakit On-Site Development sa North Triangle

HUWAG MAGING KAMPANTE!
TULOY ANG LABAN NG MARALITA PARA SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN!

Ang tagumpay ng North Triangle na mapatigil ang demolisyon noong nakaraang ika-24 ng Setyembre ay pansamantala lamang. Sa malao’t madali ay muli nating kakaharapin ang puwersahang pagpapaalis sa maralita ng North Triangle at iba pang lugar.

Tandaan natin na ang pagpapatigil ni Pangulong Aquino sa demolisyon sa North Triangle ay dahil sa BARIKADA, pagkakaisa at pagtatanggol ng mga mamamayan dito. Walang ginawa ang mayor ng lokal na pamahalaan sa kabila ng pakiusap ng mga lider ng tatlong alyansa (San Roque Community Council-SRCC, Nagkakaisang Naninirahan sa North Triangle-N3T at United Muslim Associations-UMA) na huwag ituloy ang demolisyon at sa halip ay magbukas sa tuloy tuloy na pag-uusap o negosasyon.

Napanood na lang natin kinabukasan sa telebisyon ang pahayag ni Mayor Bistik na ang mga maralita sa North Triangle ay mga sindikato. Ang National Housing Authority (NHA) ay nagsabi na pansamantala lang ang pagpapatigil sa demolisyon at itutuloy din kaagad ito. Ang Speaker of the House na si Congressman Sonny Belmonte ay mas kakampi ng mga negosyante. Wala tayong narinig na kahit anong pahayag mula kay Vice President Binay na ngayon ay Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Kung ating babalikan ang SONA ni P-NOY, wala tayong narinig na plano tungkol sa pabahay ang meron ay Public Private Partnership o (PPP). Ang ibig sabihin nito ay hindi na “serbisyo sa pabahay” para sa maralita kundi gagawin na itong negosyo, isang malinaw na halimbawa na dito ang North Triangle. Sa kutsabahan ng NHA, LGU at Ayala ay binuo nila ang Tri-development (TRI-DEV) na bahagi ng Quezon City Central Business District (QC-CBD) at hindi isinama ang kinatawan ng maralita na aabot sa Siyam na Libong (9,000) pamilya. Ang plano nila ay alisin ang mga tao at paunlarin ang North Triangle tulad ng Ayala sa Makati.

Hindi tutol sa pag-unlad ang mga maralita bagkus ito pa nga ang matagal na nating hinahanap. Ang QC-CBD ay hindi pag-unlad para sa lahat ito ay para sa negosyanteng Ayala lamang. Sino ba ang makikinabang o nakinabang na sa sinasabing 22 Bilyong Piso na pondo para sa QC-CBD? Siguradong hindi ang mga apektadong maralita dahil sila ayon sa kagustuhan ng NHA ay dadalhin sa malayong relokasyong mapanganib, walang trabaho, walang maayos na serbisyong panlipunan at ang halaga ng lupa doon sa Montalban ay babayaran sa loob ng 30 taon kasama ang tubo.

Bakit ON SITE DEVELOPMENT ang pusisyon at kahilingan ng mga naninirahan sa North Triangle at hindi ang relokasyon sa Montalban Rizal?

1. Sa mahigit tatlumpong (30+) taong paninirahan sa lugar, nandito na ang mga hanapbuhay o trabaho ng mga tao. Samantala walang maayos na tirahan, walang malinis na tubig na inumin, kuryente, ospital at iba pang mga kinakailangan ng tao para mabuhay sa relokasyon.

2. Ang lupaing relokasyon sa Montalban ayon sa mga pag-aaral ay isang malambot na lugar na maaari lamang gamitin bilang taniman hindi para gawing tirahan at pagtayuan ng mga building. Ito ay kasama sa mga pook na nasa “fault line”.

3. May karapatan din ang maralita ng North Triangle sa pag-unlad na plano ng LGU at NHA hindi lamang para sa mga negosyante kasama dapat ang mga apektadong mamamayan.

4. Ayon sa ating Konstitusyon may karapatan ang bawat Pilipino sa isang maayos na tirahan at pamumuhay. Ito rin ang sinasabi ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) at International Covenant on Economic Social Cultural Rights (ICESCR) at iba pang mga kasunduan kung saan ang ating bansa ay bahagi at nakalagda. Ang ating pamahalaan ayon sa mga karapatang nabanggit ay may responsibilidad o obligasyong ibigay sa maksimum na kakayahan.

Sa ngayon ay wala sa isip ng pamahalaang lokal at nasyonal ang kanyang mga obligasyon, ang plano nila ay makaisang-panig na pag-unlad para sa mga negosyante at kapitalista at hindi kasama ang maralitang mamamayan dito.

Mga kapitbahay, kasamang maralita sa North Triangle, hindi tayo dapat maging kampante. Higit nating palakasin ang ating pagkakaisa, kailangang ipaunawa at patagusin sa lahat ng kasapian ang kawastuhan ng ating mga kahilingan at ipinaglalaban. Kailangan planuhing mabuti ang ating depensa at susunod na mga hakbang kung kinakailangan ay itatayo nating muli ang BARIKADA. Buklurin at itayo ang pinakamalapad nagkakaisang alyansa ng mga iba’t ibang samahan ng maralita. Itutuloy natin ang laban para sa karapatan sa maayos, sapat, ligtas at abot-kayang paninirahan!!!

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKA-NEGOSYANTE AT KAPITALISTANG PATAKARAN SA PAG-UNLAD AT PABAHAY NG PAMAHALAAN!

Walang komento: