Lunes, Setyembre 6, 2010

polyeto - Navotas, Nasunog o Sinunog?

ANO ANG PLANO SA ATIN NG GOBYERNO?

Mistula nang impyerno ang kalagayan nating mga maralitang naging biktima ng sunog na tumupok sa ating mga kabahayan noong Agosto 26, 2010. Marami na ang dinapuan ng mga karamdaman gaya ng ubo, sipon, pagtatae, sore eyes at iba pa resultang mga pagsisiksikan ng mga tao sa mga evacuation centers sa Navotas Sports Complex, Linchangco Covered Court sa Barangay NBBN, Phase I sa Barangay NBBS, at kung saan-saan pang pinaglagakan sa mga biktima ng sunog.

Sa tindi ng problema sa kawalan ng bentilasyon, malinis na tubig, palikuran at iba pang mga pangangailangan ay maihahambing na natin ang mga evacuation centers sa mga kulungang pinaglalagyan ng mga kriminal. May mga nagsasabing ang pagkakaiba natin sa kulungan ay walang rehas ang mga evacuation centers at malaya tayong lumabas anumang oras kung gugustuhin natin.

Ganunpaman, maugong na ang balita na hanggang Setyembre 13 na lamang tayo maaaring manatili sa Sports Complex habang ang mga kasama natin na nasa NBBS ay tinaningan na rin. Gagamitin daw sa isang liga ang Sports Complex habang ang sa NBBS ay sa dahilang nalalapit na raw ang pyesta doon. May mga taning na rin sa iba pang mga lugar kung saan naroon ang mga kasama natin.

Kung paaalisin tayo ng pamahalaan mula sa mga evacuation centers, saan naman tayo pupunta? May ilan na sa atin ang inalok na magbalik-probinsya at ang iba naman ay sinabihang mangupahan na lamang. Ano nga ba ang plano ng gobyerno?

May mga pahayag ang Punong Lungsod na lumabas sa midya na may pondo naman at deklarado na ang state of calamity sa lugar. Para saan ang pondo? Pambili lamang ba ito ng relief goods? Ang gusto ba ng gobyerno ay mamalimos na lamang tayo habang tayo ay nasa evacuation centers at pag naubos ay ipagtabuyan na tayo palabas?

Kamakailan ay pinatawag ang diumano'y mga may-ari ng lupang kinatirikan dati ng ating mga tirahan. Doon ay tinanong sila kung ibebenta ba nila ang "kanilang" mga lote sa Pamahalaang Lungsod para sa pagtatayo ng dike. Pinatawag ang mga "may-ari" ng lote upang tanungin kung ano ang gusto nila pero walang nagtanong sa atin kung ano ang gusto natin?

Klarong may plano ang gobyerno para sa interes ng "may-ari" ng lupa. Mahalaga sa gobyerno ang kapakanan ng mga taong ito na umaangkin hindi lamang ng lupa kundi pati dagat ay pinatituluhan ngunit mukhang walang halaga at hindi na dapat pag-usapan pa ang kahihinatnan ng mga maliliit na mamamayan.

Gusto natin ipaintindi sa gobyerno na hindi natin pinangarap na habampanahong mamalimos ng mga relief goods at magmukhang pulubi sa kapipila kada may mga pilantropong nagmamagandang loob sa atin. Kung tutulungan tayo ng gobyerno, ito ay ang maibalik tayo sa ating normal na pamumuhay.

Gusto nating bumangon mula sa malaking trahedyang sumalanta sa ating mga maralita. Mula sa naabo nating kabuhayan ay hinihiling natin na payagan tayong magtayong muli ng ating mga tirahan sa lugar na mismong kinatirikan nito. Dapat na laanan ng prayoridad sa pagpopondo ang tungkol sa pagkakaroon ng katiyakan sa paninirahan ng mga pamilyang biktima ng sunog.

Mga kasama, klaro na wala sa listahan ng ating gobyerno na mabigyan tayo ng tulong. Hindi ang kagalingan ng mga maralitang tinupok ng apoy ang kanilang tinitingnan kundi ang oportunidad na nilikha ng sunog upang ipatupad ang isang enggrandeng proyekto.

Hindi kaila sa atin ang planong pagtatambak ng lupa sa kung ilang daang ektarya ng dagat upang itayo ang isang higanteng proyektong aakit ng maraming dayuhang mamumuhunan. Mga imprastrakturang diumano'y maglalagay sa Navotas sa hanay ng mga mauunlad na lungsod sa buong bansa.

Sinuman ang nakaisip ng proyektong ito, sana'y huwag nilang gawing hayop ang mga maralita na ipapatak ang dugo bilang alay sa altar ng pag-unlad. Wala tayong tutol sa pangarap na isang maunlad na Lungsod ng Navotas pero ang gusto nating kaunlaran ay kaunlarang nakabatay sa hustisya, sa pagkilala sa karapatan ng mamamayan bilang tao, higit sa anupaman, ito ang dapat na maintindihan ng ating pamahalaan, lokal man o nasyunal. Ito ang ating ipinaglalaban!

MGA BIKTIMA NG SUNOG SA BARANGAY CIPAC-ALMASEN
AT NAVOTAS WEST, MAGKAISA!

KATIYAKAN SA PANINIRAHAN, IPAGLABAN!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Setyembre 6, 2010

Walang komento: