Huwebes, Setyembre 16, 2010

KKFI at KPML, namahagi ng donasyon sa mga nasunugan sa Navotas

Mula sa website ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc.
http://www.kkfi.org.ph/latest-news/3-latest/18-kkfi-namahagi-ng-donasyon-sa-mga-nasunugan-sa-navotas

KKFI at KPML, namahagi ng donasyon sa mga nasunugan sa Navotas
Ni Michael O. Orcullo

NOONG ika-9 ng Setyembre 2010, ipinamahagi ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) at iba pang kaalyadong organisasyon nito ang mga nakalap na donasyon at tulong sa mga biktima ng isang malakihang sunog na naganap sa Lungsod Navotas.

Mahigit 7,000 residente ang naapektuhan ng trahedyang naganap sa Brgy Cipac-Almacen at Brgy. Navotas West noong gabi ng ika-25 ng Agosto.

Ang nasabing mga barangay ay ilan sa mga inoorganisa ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod (KPML), na ilang dekada nang ka-partner ng KKFI.

Ang KPML ay nakipag-ugnayan sa KKFI upang mangalap ng tulong-materyal at -pinansyal para sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Sa pakikipagtulungan ng Asuncion A. Perez Memorial Inc., Methodist Commission on Resource Development, at United Methodist Committee on Relief, nakakakalap ang KKFI ng mga damit, gamit sa bahay, school supplies at iba pa sa loob ng isang linggo.

Ipinamahagi ng KKFI, kasama ang pangulo ng KPML na si Ka Pedring Fadrigon, ang donasyon sa mga nasunugan sa Navotas Sports Complex, kung saan pansamantalang nanirahan ang marami sa mga nasunugan.

Makalipas ang isang linggo, nakapagbigay naman ng karne ng manok ang CNC-Poultry, sa pakikipag-ugnayan ng Gilead Center for Children and Youth sa Bulacan, bilang tulong sa mga biktima.

Walang komento: