HUWAG MAGING KAMPANTE!
Ang desisyon ni P-Noy na ipatigil ang demolisyon sa Sitio San Roque, North Triangle, at pag-aralan uli ang usapin ay isa lang pansamantalang tagumpay para sa mga residente ng lugar.
Dapat malinaw sa lahat na ang tagumpay na ito ay hindi nakamit sa paggamit ng mga trapong pulitiko sa kongreso o city hall, impluwensyal na tao sa gabinete ni P-Noy o sa moro-morong konsultasyon sa kontra-maralitang ahensya gaya ng National Housing Authority (NHA). Nakamit ito dahil sa militanteng sama-samang pagkilos ng mamamayan para ipagtanggol ang kanilang mga tirahan at igiit sa mga may kapangyarihan ang karapatan sa pabahay at ang dignidad ng maralita. Ang militanteng sama-samang pagkilos na ginawa noong Hwebes ang siyang susi para ipamulat sa malawak na publiko na ang mga patakaran ng gobyerno ni P-Noy gaya ng nauna sa kanyang si PGMA ay walang pinagkaiba. Napaghahalatang pogi-points lang ang habol ni P-Noy ng magpanggap siyang tayong mga maralita ang kanyang boss.
Kung dati rati'y panlipunang serbisyo ang programang pabahay ng gobyerno, ngayo'y pinagtutubuan na ito ng mga negosyante. Malinaw na ginawang pambayad-utang sa pamilyang Ayala, ang pangunahing sumuporta kay P-Noy noong nagdaang eleksyon, ang lupain ng North Triangle. Ang kutsabahan ng gobyerno ni P-Noy at ng elitista at kapitalistang Ayala ay halimbawa lamang ng Public-Private Partnership (PPP) na ipinangangalandakan ni P-Noy na estratehiya niya ng pagunlad ng Pilipinas sa kanyang talumpati sa SONA.
Kung ang PPP ang kanyang konsepto ng "tuwid na landas", pwes, dapat nang mangamba ang lahat ng mahihirap sa susunod na anim na taon. Matatandaan na naghugas ng kamay si P-Noy sa isyu ng mga magsasaka sa isyu ng repormang agraryo sa Hacienda Luisita. Ganun din ang kanyang postura sa hinaing ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) na matapos magsalita na kailangan pag-aralan mabuti ang isyu ay iniwanan niya rin ang kapalaran ng mga manggagawa sa kamay ng ganid na kapitalista ng PAL.
Kahit ang mga dati nating mga kapitbahay na ngayo'y nasa Montalban na ay hindi pa rin ligtas sa sabwatan ni P-Noy at ng mga kapitalistang mapagsamantala. Kamakailan lamang ay sinimulan na ang implementasyon ng kontra-maralitang Republic Act 9507 o ang kondonasyon at restructuring ng mga utang ng mga naninirahan sa relocation sites. Ang suma-total nito ay ang malawakang pagtataboy sa mga naninirahan na sa relocation sites dahil sa hindi pagkakabayad ng utang sa programang pabahay ng gobyerno.
Huwag tayong maging kampante, ngayon higit kailan man dapat natin patindihin ang intensidad ng ating pagkilos. Kailangan ng mas malawak na partisipasyon ng mga residente sa barikada at mga mobilisasyon. Kailangan natin maging masinop sa ating plano ng depensa dahil magiging mas malupit ang demolition team sa kanilang pagbabalik. Kailangan din nating makuha ang mas malawak na suporta ng mga kapwa nating maralita para itambol ang ating paninindigan. Kaya't tanging sa militanteng pagkilos pa rin natin malulubos at makakamit ang tagumpay sa katiyakan sa paninirahan na matagal na nating ipinaglalaban.
LUBUSIN ANG TAGUMPAY SA ISYU NG PANINIRAHAN SA NORTH TRIANGLE!
LABANAN ANG KONTRA-MAHIRAP NA PATAKARAN SA PABAHAY NI P-NOY!
PARTIDO LAKAS NG MASA-QC (PLM-QC)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNSOD-QC (KPML-QC)
ALYANSA NG MARALITA-QC (ALMA-QC)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNSOD-QC (KPML-QC)
ALYANSA NG MARALITA-QC (ALMA-QC)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento