Linggo, Setyembre 26, 2010

Lubusin ang Tagumpay ng North Triangle

Press Statement
25 September 2010

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

Nagmarka sa buong bansa ang ating BARIKADA, ang paglaban nating mga maralita noong isang araw, Setyembre 23, 2010 nang isagawa ng pamahalaan sa pangunguna ng National Housing Authority (NHA) ang puwersahang demolisyon. Tinutulan natin ang demolisyon dahil sa kawalan ng tunay na konsultasyon sa ating mga apektado kaugnay ng kanilang programang “Quezon City Central Business District” (QC-CBD) at kawalang pansin sa ating inihapag na kahilingan, ang “on site development” o pagsama sa atin sa plano nilang pagpapaunlad sa North Triangle. Ganun din ang kawalang aksiyon sa paghahabol natin at pakikipag-usap sa NHA at kay Mayor Bautista na huwag ituloy ang puwersahang demolisyon at sa halip ay magbukas ng tuloy-tuloy na pag-uusap o negosasyon upang maging maayos ang lahat. Ipinagtanggol lamang namin ang aming mga karapatan upang hindi mawala sa amin ang aming mga tirahan. Hindi kami tutol sa kaunlaran kung ito ay tunay na pag-unlad para sa lahat kasama ang mga apektado hindi katulad nito na kami ay itatapon sa malayong lugar ng Montalban kung saan napakalayo sa aming mga trabaho at walang maayos na panlipunang serbisyo.

Kinukondena namin ang pahayag ni Mayor Herbert Bautista na kami raw ay mga sindikato at dapat hulihin at parusahan. Ang inaasahan namin sa kanya ay pagkalinga o pagresolba sa suliranin namin sa paninirahan hindi ang kami ay kanyang alipustain at pagbintangang mga kriminal. Ang Speaker ng House of Representative na si Congressman Sonny Belmonte ay nagpahayag na ang proyektong QC-CBD ay maghihikayat ng maraming negosyante at walang siyang pakialam kung anuman ang mangyari sa amin kahit mawalan ng tirahan at itatapon sa malayong lugar. Hindi ba’t dapat lahat ng plano at programa ng pamahalaan nasyunal man at lokal ay para sa kaunlaran kapakanan ng nakararaming mamamayan?

Ang pahayag ni Pangulong Aquino sa pagpapatigil sa demolisyon ng North Triangle ay tagumpay nating mga maralita. Dahil sa ating barikada at pagkakaisang ipaglaban ang ating paninirahan ay napatigil natin ang puwersahan at marahas na demolisyon. Subalit hindi pa tapos ang laban nating mga maralita, kailangan nating lubusin ang ating tagumpay. Ang sinimulan natin sa North Triangle ay dapat magsilbing inspirasyon ng iba pang maralitang komunidad. Ang sinimulan nating BARIKADA, kapatiran, pagtutulungan at pagkakaisa ng ay dapat nating ipagpatuloy!

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA!

MAAYOS, SAPAT, LIGTAS AT ABOT-KAYANG PABAHAY SA LAHAT NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKA-NEGOSYANTE AT KAPITALISTANG
PATAKARAN SA PABAHAY NG PAMAHALAAN!

Pahayag mula sa: -SRCC – N3T – UMA - FRIENDS OF NORTH TRIANGLE-

Walang komento: